18 hadiths
Ayon kay Laqīṭ bin Ṣabirah (malugod si Allāh sa kanya) na nagsabi: Ako ay naging delegado ng Angkan ng Muntafiq — o sa delegasyon ng Angkan ng Muntafiq — sa Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Noong dumating kami sa Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan), hindi kami nakasumpong sa kanya sa tahanan niya at nakasumpong naman kami kay `Ā'ishah na Ina ng mga Mananampalataya. Nag-utos siya na maghanda para sa amin ng khazīrah saka ginawa naman ito para sa amin. Dinalhan kami ng isang bandehadong may datiles. Pagkatapos dumating ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) saka nagsabi siya: "Hinainan ba kayo ng anuman o may ipinahanda ba para sa inyo na anuman?" Nagsabi kami: "Opo, O Sugo ni Allāh." Habang kami naman kasama ng Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay mga nakaupo, biglang humangos ang pastol ng mga tupa niya papunta sa pahingahan habang may kasama itong isang korderong umuungol. Kaya nagsabi siya: "Ano ang ipinanganak niyan, O Polano?" Nagsabi ito: "Babaing tupa." Nagsabi siya: "Kaya magkatay ka para sa amin kapalit niyan ng isang tupa." Pagkatapos nagsabi pa siya: "Huwag ka nga magpalagay, huwag ka ngang magpalagay na kami alang-alang sa iyo ay magkakatay nito. Mayroon kaming isang daang tupa na hindi kami nagnanais na madagdagan. Kaya kapag nagpaanak ang pastol ng isang babaing tupa, nagkakatay kami kapalit nito ng isang tupa." Nagsabi ako: "O Sugo ni Allāh, tunay na mayroon akong maybahay at tunay na sa dila niya ay may isang bagay." Tumutukoy ito sa kabastusan. Nagsabi siya: "Kaya diborsiyuhin mo siya, samakatuwid." Nagsabi ako: "O Sugo ni Allāh, tunay na mayroon siyang pinagsamahan [sa akin] at may anak ako sa kanya." Nagsabi siya: "Kaya pag-utusan mo siya," nais niyang sabihing pangaralan mo siya, "sapagkat kung sa kanya ay may kabutihan, gagawin niya. Huwag kang mamalo sa kabiyak mo gaya ng pagpalo mo sa munting babaing alipin mo." Kaya nagsabi ako: "O Sugo ni Allāh, magpabatid ka sa akin tungkol sa wuḍū'. Nagsabi siya: "Maglubus-lubos ka sa pagsasagawa ng wuḍū'. Magsingit ka sa pagitan ng [isa't isa sa] mga daliri. Magpalabis ka sa pagsinghot ng tubig maliban na ikaw ay nag-aayuno."}Nagsalaysay nito sina Imām Abū Dāwud, Imām At-Tirmidhīy, Imām An-Nasā'īy, at Imām Ibnu Mājah